Ang Kasaysayan ng

NEW NAME GLORIOUS CHURCH, Inc.




I. ANG PANAHON BAGO NATATAG ANG NEW NAME GLORIOUS CHURCH


     Ang Dios ay dumirinig at tumutugon sa dalangin ng Kanyang ng mga anak. Ito ay napatunayan ng mga kapatiran mula sa 1153 Eloisa St., Sampaloc, Manila, samantalang sila ay masikhay na humihiling ng isang mangunguna at mamamahala sa nabuksang Bible Study sa naturang dako.


     Sa kabilang dako, ang kamay ng Dios ay patuloy na kumikilos sa buhay ng Rev. Dr. Jesus T. Camacho. Mula sa pagtuturo sa Philippine Christian University ng taong 1996, siya ay nagtungo sa ilalim ng patnubay ng  Diwang Banal sa daang Eloisa, Sampaloc, Manila upang kausapin and mga kapatid doon. Sa pagtatagpong ito, matamang pinag-usapan at isinaalang-alang ang nsabing gawain. Matapos ang masusing pag-aaral, pagtitimbang-timbang, at pananalangin sa Dios, ay nalatag ang isang patag na daan tungo sa pagkakatatag ng New Name Glorious Church.


     Minsan pa'y napatunayan ang wika ng Dios na, "hindi babalik sa Kanya ang Kanyang salita ng walang bunga". Noong ika-16 ng Marso, 1997, matagumpay na naisagawa ang isang pananambahan sa tahanan ng kapatid na Rizalina C. Tagle, sa daang 1153 Eloisa, Sampaloc, Manila. Sa panahon ng pananambahan, pinagkaisahan ng mga kapatiran (mga Pamilya: Tagle, Aguila, Bellido, Collantes, Camacho, Matta, Marasigan, at Ybanez) ang pagkakaroon ng isang Iglesia na ang magiging aral ay mula lamang sa Biblia at hindi kailanman matatangi ng uri ng tao, sa halip ang bawat isa ay natatanging nilalang na dapat na igalang at mahalin. Mula sa simulaing ito, hinabi ang kanyang saligang batas, mga alituntunin, at gayun din naman ang uri ng logo nito. Pagkatapos nito ginawa at itinakda ang batayan ng pananampalataya (Statement of Faith).




II. ANG PAGHAHAIN NG SALIGANG BATAS (by laws), MGA ALITUNTUNIN NITO (Articles of Incorporation),AT SALIGAN NG PANANAMPALATAYA (Statement of Faith).


     Noong ika-9 ng Mayo, 1997, ay iniharap ang mga nasabing kasulatan sa Securities and Exchange Commission, EDSA Greenhills, Lungsod ng Mandaluyong, MM. Pagkaraan ng tatlong buwan, noong ika-13 ng Agosto, 1997, ay ganap nang isang religious corporation ang New Name Glorious Church, sa ilalim ng SEC Reg. No. 1997-9412.


     Pagkaraan ng mga kaganapang ito, ang mga nakatakdang gawain ng Iglesia ay tuluy-tuloy ng isinagawang may katapatan at katapangan. Mula sa kanyang mababang kalagayan, tulad ng isang butil ng mustasa, siya'y  umusbong hanggang lumaki. Katulad ng isang agilang pumapailanglang sa kalawakan, ay laging nakasusumpong ng nagbabagong lakas araw-araw mula sa Maykapal.





III. MGA BUNGA NG PAGPAPAGAL


     Mula sa II Cor. 4:8-9, sinabi ni Pablo, "Sa magkakabi-kabila ay  nangagigipit kami, gayon ma'y hindi nangaghinagpis; nangagtitilihan, gayon ma'y hindi nangangawalan ng pag-asa; pinag-uusig gayun ma'y hindi pinababayaan; inilulugmok gayon ma'y hindi nangasisira..." sapagkat ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang Aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan... " (II Cor. 12, 9).


     Mula sa Eloisa St., Sampaloc, Manila, ang gawain ng pangangaral ay lumaganap at ngayon ay nakarating sa tahanan ng pamilya Del Rosario sa 201 Champaca St., Violeta Village, Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan. Ang binhing dito natanim ay nag-ugat, namulaklak, at nagbunga. Mula sa dakong ito, patuloy na dumaloy ang biyaya ng Dios hanggang makarating ng Kawit, Cavite; Bangkal, Lungsod ng Makati; Saog, Marilao, Bulacan; San Roque, Paombong, Bulacan; Baliwag, Bulacan; Malamig, Bustos, Bulacan; Tugatog, Lungsod ng Malabon; Tenejero, Candaba, Pampanga. Tangi sa rito, nakapagtayo din naman ng mga Bible Study Centers sa Julian Felipe St., Lungsod ng Caloocan; Catmon, Lungsod ng Malabon; at Niugan, Lungsod ng Malabon. Ang Pagtatayo ng mga Bible Study Centers ay umabot ng Naujan, Gloria at Pinamalayan, mga bayan ng Oriental Mindoro.


     Ang pilosopiyang sinusunod ng pamahalaan sa larangan ng pamamahala ng misyon at ng Iglesya ay  tulad ng mga sumusunod:

            1. Faithful to the Word

            2. Integrity

            3. Leadership

            4. Excellence

            5. Efficiency




IV. ANG BIBLE EDUCATION SEMINARY TRAINING (BEST)


     Nakikita ng pangasiwaan ng Iglesia ang lumalaking hamon ng pangangaral ng salita ng Dios, gayun din naman ng pangangalaga ng mga kawan ng Panginoon, kung kaya't Dios na rin ang gumawa ng Kanyang sariling paraan kung papaano matutugunan ang pangangailangang tulad nito. Ang Iglesia ay nagbukas ng paaralan ukol sa pag-aaral ng salita ng Dios, at ito ay tinawag na Bible Education Seminary Training (BEST). Simula ng pasinayaan ang BEST noong Mayo, 1999, ito ay matapat na nakapagpapatuloy sa kanyang ministeryo. Noong ika-2 ng Marso, 2008, natapos ang ika-3 batch ng mga nagsisipag-aral dito.




V. ANG 91.1 HOT FM RADYO NATIN GUIGUINTO


     Ang pagkakaroon ng sariling "radio station", ang 91.1 Hot Fm RN ay bunsod na rin ng malaking pagnanais na maisahimpapawid ang salita ng Dios. Mula na ito ay mapasaatin (ito ay binili sa halagang P300,000.00 sa pagtutulungan ng Lord's Shepherds Academy, Christ's Church Brings Revival International at New Name Glorious Church/Bride Tidings Int'l,Indonesia), sinikap natin na maisahimpapawid ang salita ng Dios ng buong katapatan. Nitong nakaraang taon, nahinto ang ating pagsasahimpapawid sanhi ng suliraning "technical", sa ngayon, muli na naman nating binuksan ang pagsasahimpapawid ng salita ng Dios. Sa biyaya ng Dios at sa tulong ng mga kapatiran, ang ating radio station, 91.1 Hot Fm RN-Guiguinto ay nakapagpapatuloy ng kanyang ministeryo.





     Sa araw na ito ay mataos tayong nagpapasalamat sa Dios dahil sa Kanyang biyaya at katapatan. Ngayon, higit sa lahat ng araw, ating pakanaising higit pa sa biyaya ang ating natamo na...lalo pang ipagkatiwala sa ating Dios ang higit pang nakapupong biyaya upang lubusang managana ang New Name Glorious Church, gayun din naman sa lahat ng kanyang nasasakupan bilang ng kapatiran na ano pa't masabi natin...tulad ng Haring David,"Ang Panginoon ang aking Pastor...hinding hindi na ako magkukulang pa ng ano mang pangangailangan sa buhay na ito." (Awit 23:1)


     Ito ang araw ng Panginoon na sa atin ay ibinigay. Ito ang ika-11 taon ng matagumpay Niyang paghahari sa ating mga puso, sa ating mga buhay, maging sa ating mga paghahanap-buhay. Purihin ang Dios sa Kanyang katapatan... Purihin ang Panginoon sa mga bagay pa Niyang gagawin... ngayon at sa haharaping mga taon at panahon. Sa Dios natin ibigay ang lahat ng kapurihan, pagluluwalhati, paghahari, at pasasalamat. Sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, Amen.


 

     






          




     








 
Make a Free Website with Yola.